MENU

ONLINE DIAGNOSTIC RESULT PROCEDURE

INTRANET

JOB VACANCIES

CITIZENS CHARTER

TRAINING AND RESEARCH

 

KARAGDAGANG SOCIO-CIVIC FUND MULA SA PANGULO, NATANGGAP NG QMMC

K.A. EVANGELISTA
Marso 25, 2022

Ikinagagalak ng Pang-Alaalang Sentrong Medikal Quirino sa pagbisita at pamamahagi ni Senador Christopher Lawrence “KUYA BONG” Go ng 100-Milyong Pisong (P100,000,000.00) Socio-Civic Funds sa mga DOH Hospitals mula sa opisina ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Marso 23, 2022. Kasama sa mga nabigyan ng nasabing pondo ay ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial and Sanitarium, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital.

Dumalo rin sa nasabing “Turn-over of Cheque” ang Office of the Presidential Assistant for the Visayas na si Secretary Michael Llyod Dino, kasama sina Usec. Charade Grande, Dir. Girlie Veloso at ilang mga kawani mula sa Departament of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Ang Socio-Civic Fund ay inilaan para sa “Malasakit Center” ng mga nasabing ospital bilang karagdagang tulong pinansyal para sa pagpapagamot ng ating mga kababayang nangangailangan. Matatandaan na ang unang naging batas ni Senador Bong Go ay ang Malasakit Center na may layuning maging “One Stop-Shop” ng mga pasyente sa bawat pampublikong ospital upang hindi na mahirapan ang mga ito sa pagpoproseso ng mga kinakailangang dokumento upang makahingi ng tulong pinansyal. Sa ngayon ay bumibilang ng halos 151 Malasakit Center na ang nagbibigay serbisyo sa bawat Pilipino.

Labis na nagpapasalamat ang ating butihing Medical Center Chief na si Dr. Evelyn Victoria E. Reside sa natanggap na tulong mula sa Opisina ng Pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ni Senador Bong Go at ipinangako niya na pantay at walang pipiliing pasyente ang makatatanggap ng nasabing tulong  maging ito man ay “In-patient” o “Out-patient”. Ang suportang natanggap ay napakalaking tulong rin aniya dahil nabiyayaan ang ating ospital ng karagdagang “Bed Capacity” upang mas lalong maraming matulungan at mabigyan ng serbisyong Medikal.

Hindi lamang “Socio-Civic Fund” ang bitbit ng ating butihing Senador Bong Go bagkus ay nagpaabot din ng tulong ang kanyang tanggapan para sa mga pasyente at mga kawani ng QMMC tulad ng mga food packs at bitamina bilang panangga sa kinahaharap parin nating COVID-19. Bukod dito ay nagbigay din sya ng 15 bisikleta at 16 na pares ng sapatos na ipaparaffle sa mga Rank and File na empleyado. Gayundin, masayang nakatanggap ng mga pares ng sapatos ang ilan sa ating janitorial staff mula sa CBII at bukod pa rito ay may ipinamigay ring “tablet-phones” para naman sa mga bata upang kanilang magamit sa kanilang pag-aaral dahil sa Distance Learning na umiiral sa ngayon.

 

Sa huli ay nag-iwan ng makabuluhang mensahe si Sendor Bong Go na ang naturang pinansyal na tulong ay mula rin naman sa mga mamayang Pilipino kung kaya’t kailangan ring maibigay sa kanila ito bilang tulong na kanilang kinakailangan. Giit rin niya na minsan lamang tayo sa mundong ito kung kaya’t ibigay na natin ang kabutihan sa abot ng ating makakaya ano pa man ang ating kalagayan o estado sa buhay.